Anim patay sa shooting rampage sa Mississippi
Anim katao ang nasawi sa shooting rampage sa isang rural area ng southern US state ng Mississippi.
Ayon sa media report, sinabi ng pulisya na isang lalaki na ngayon ay nasa kanila nang kustodiya, ang namaril ng isang tao sa isang tindahan sa maliit na bayan ng Arkabutla, pagkatapos ay nagtungo sa katabing bahay at pumatay naman ng isang babae.
Sumunod ay pinaandar ng lalaki ang kaniyang sasakyan at nagpunta sa isa pang bahay, na pinaniniwalaang pagmamay-ari niya, kung saan dalawa pa ang kaniyang pinatay, ayon naman sa local law enforcement officials.
Pagkatapos ay hinabol siya ng mga pulis sa pangalawang bahay kung saan na siya nadakip. Dalawang iba pa ang natagpuang patay doon.
Isang elementary school sa kalapit na Coldwater area ang inilagay sa “active shooter” lockdown, habang hinahabol ng mga pulis ang suspek.
Ayon sa report ng Memphis-based TV station Action News 5, nakilala ang suspek na si Richard Dale Crum, 52-anyos. Wala pang ibinigay ang mga awtoridad na motibo sa pamamaril.
Sa kaniya namang tweet, ay sinabi ni Mississippi Governor Tate Reeves na ipinagbigay-alam na sa kaniya ang nangyari at ang suspek na nasa kustodiya na.
Ayon kay Reeves, “At this time, we believe he acted alone. His motive is not known. Please pray for the victims of this tragic violence and their families at this time.”
Ang kaso ay hinawakan ng sheriff ng Tate County, kung saan matatagpuan ang Arkabutla, at ang Mississippi Bureau of Investigation.
Hindi pa naiulat ang uri ng baril na sinasabing ginamit ng suspek.
Ang nangyaring pamamaril ay naganap ilang araw lamang matapos na ang isang lalaki, na wala ring malamang motibo, ay umatake sa isang university campus sa northern state ng Michigan, at nakapatay ng tatlo katao.
© Agence France-Presse