Anim sa 52 ‘nanlaban’ na kaso na nirebyu ng DOJ, ibinasura
Hindi na umusad sa korte ang anim sa 52 kaso ng drug war-related deaths na nirebyu ng Department of Justice.
Ang mga nasabing kaso ay ang mga isinumite ng Philippine National Police sa DOJ na kinasasangkutan ng mga pulis kung saan may namatay na suspek sa mga anti-illegal drugs operations.
Ayon kay Justice Undersecretary Jesse Andres, ibinasura o hindi na tuluyang naihain ng kagawaran ang mga tinaguriang ‘nanlaban cases’ sa hukuman dahil sa kawalan ng mga testigo at kakulangan ng mga ebidensya.
Ang iba naman sa mga ito ay ayaw na ng mismong pamilya ng biktima na ipursige sa korte o pabuksan ang kaso.
Pero, sinabi ng opisyal na pito sa 52 kaso ay naisampa na sa korte matapos ang case build-up ng DOJ at National Bureau of Investigation.
Hinimok naman ni Justice Secretary Crispin Remulla ang mga testigo sa mga nasabing kaso na lumapit sa DOJ.
Aminado ang kalihim na ang problema kaya hindi nauusig o umuusad ang drug war cases ay dahil sa walang mga testigo at ebidensya.
Moira Encina