Animnapu’t pito pang overseas Filipinos mula Cambodia at Indonesia, pinauwi na ng DFA
Pinauwi na ng Department of Foreign Affairs (DFA), ang 67 pang mga Filipino mula sa abroad.
Ayon sa DFA, sa 67 ay 38 ang mula sa Cambodia, habang ang 29 ay mula naman sa Indonesia.
Umaabot na ngayon sa 819 ang kabuuang bilang ng mga Filipino na umuwi galing Cambodia.
Ayon sa DFA, ang Philippine Embassy sa Phnom Penh ang nag-asikaso sa pagpapauwi sa mga nabanggit na pinoy, na lulan ng isang Philippine Airlines flight.
Ito na ang huling batch ng mga Filipino na pinauwi mula sa Cambodia, ngayong taon.
Samantala, ang 29 ay pawang mga mangingisda na ilang linggo nang stranded sa Manado, North Sulawesi.
Makaraan ang walong oras na byahe lulan ng public ferry patungo sa Tahuna Island kung saan sila nagpalipas ng gabi, ang 29 na mangingisda ay sumakay sa isang 250-gross ton, steel-hulled vessel, na ang pondong ginamit ay mula sa mga concerned citizens na nagmagandang loob.
Ang sasakyang pandagat ay umalis sa Tahuna Port noong December 13, at dumating sa General Santos City Port noong December 14.
Ayon sa DFA, nakapagpauwi na sila ng higit 300-libong mga Filipino mula noong Pebrero, na siyang simula ng repatriation efforts sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Liza Flores