Ano ang magagawa natin?
Magandang araw sa mga ka-Isyu! Maraming Pinoy ang nagugutom ayon sa survey ng Social Weather Stations o SWS na ginawa sa pagitan ng Abril-Mayo at lumalabas na 32% ng respondents ang nagsabing sila ay nagugutom dahil sa kawalan ng sapat na makakain dulot ng pandemya, dahil sa marami ang nawalan ng trabaho.
Samantala, ang 45% naman ay nasa borderline. Marami talagang kababayan natin ang nahihirapan. Kung tutuusin kahit na nga may trabaho ay kulang na kulang pa rin dahil sa sitwasyon natin.
Magkano ba ang presyo ng pagkain, ng mga pangunahing bilihin, nagmura ba? Laging tumataas ang presyo ng petroleum products sunod-sunod na linggo ang pagtaas.
Hindi natin gaanong napapansin dahil ang napagtutuunan ay ang kaso ng Covid-19 problems. Teka, ito namang mga oil company sobrang magsamantala, alam na alam naman nilang hirap na hirap na ang taumbayan, hindi pa rin mabusog sa kinikita.
Kuryente at presyo ng produktong petrolyo, mauuuwi na naman ang usapan natin sa dalawang batas na ‘yan na may domino effect. Itong mga pulitiko, na tila baga nagmamalasakit sa taumbayan, ni hindi kinanti ang dalawang batas, ang EPIRA at Oil Deregulation Law.
Dapat ito ang ipangako nila sa taumbayan. Yung mga tatakbo sa Kongreso, puwede bang ito ang pagtuunan ninyo ng pansin?
Calling the attention of senators Manny Pacquiao, Ping Lacson, Tito Sotto at marami pang iba. Nasa gitna tayo ng pandemya, ito namang mga negosyante na involve sa oil industry at kuryente, walang habas sa pagtaas ng presyo.
Hay naku, eto naman Department of Trade and Industry o DTI ang pinagtuunan ng pansin, kung paano magluto ng authentic na adobo, e, ang dami ng nagugutom. Sana naman please lang, pagtuunan ninyo ng pansin kung paano tulungan ang mga maliliit na negosyante.
Kahit magdadaldal kami dito, o ngumakngak man, maubos man ang boses namin, kapag hindi tutulong ang mga kinauukulan na mga inihalal natin para baguhin ang mga kinauukulang batas na ‘yan….ano ang magagawa natin?
Please follow and like us: