Ano ba ang ibig sabihin kapag may butlig-butlig ka sa balat?
Hi mga kapitbahay, kumusta na? Narinig n’yo na ba ang terminong molluscum contagiosum? Ano yun? Kamag-anak daw ito ng warts bagaman may pagkakaiba, isa itong viral infection sa balat.
Sinasabing ang cause nito ay dahil sa poxvirus. Kalimitang nakikita sa mga batang naglalaro na madalas na nagkakadikitan o may direct skin contact.
At para linawin at magbahagi ng kaalaman ukol sa molluscum, narito ang mga pahayag ni Dr. Ellaine Eusebio-Galvez, Dermatologist. Ang mollusum ay puwedeng makita sa mukha, braso, mukha, legs o sa kahit anong bahagi ng katawan at napakabilis na kumalat.
Ang hitsura nito sabi ni Doc Ellaine ay parang butlig na may laman na kalimitan ay kinakamot ng mga bata dahil may bahagyang pangangati bagaman sa madalas na pagkakataon ay hindi naman nangangati pero, nakaka-irritate. At dahil kinakamot nga ng mga bata, kumakalat sa buong katawan.
Ang mga matatanda o adults ay maaari ding magkaron ng molluscum lalo na at mahina ang immune system. Nakikita ito sa mga chronically may sakit at infected ng HIV ( human immunodeficiency virus).
Bata at matanda, importante na malakas ang immune system.
Samantala, iyung mga nagpupunta sa gym o mga mahilig na manghiram ng t-shirt o towel, naku! puwede din kayong magkaron ng molluscum, warts, fungal infection, kaya mahalagang may sarili kayong gamit.
O siya, alamin naman natin kung paano ito gamutin? Paano nga ba ginagamot ang molluscum? Sabi ni Doc, since ang molluscum ay viral infection, kaya importante na malakas ang immune system, it can go away by itself.
Puwede din naman aniyang ipatanggal sa dermatologist. Pero, ang paalala ni Doc, kapag may napansin na may molluscum sa balat, huwag nang palalain o pabayaan pa dahil mabilis nga itong kumalat at kapag dumami mas mahirap na tanggalin o gamutin.
Paalala pa, huwag mag self-medication.
Sana ay nakatulong ang mga kaalamang ito para lalo nating mapangalagaan ang ating katawan.