Anomalya sa NIA pinaiimbestigahan sa Senado
Pinaiimbestigahan ni Senador Raffy Tulfo sa Senate Blue Ribbon Committee ang posibleng katiwalian sa National Irrigation Administration (NIA) na dahilan kaya hindi natatapos ang mga irrigation projects
Sa kaniyang privilege speech, sinabi ni Tulfo na mula 2019 hanggang 2022, umabot na sa P121-billion ang inilaang pondo sa NIA para sa Irrigation Development at Restoration Projects
Sa mga dokumentong natanggap ng kaniyang tanggapan, sinabi ni Tulfo na bayad na ang mga contractor pero hindi pa tapos ang proyekto at hindi gumagana ang mga irigasyon
“Mas matindi pa ilan dito hindi man lang umaandar o gumagana kahit taon na ang lumipas mula ng nabigyan ng notice to proceed,” pagbubunyag ni Tulfo.
Ibinunyag ng Senador na may mga kontrata ang NIA na hindi isinapubliko ang bidding na dapat ay transparent.
Pinangalanan rin nito ang ilang contractor ng NIA na nakakuha ng milyon-milyong kontrata kabilang na ang Oscar Sarmiento Construction, R.D. Interior Junior Construction, J.D. Construction and Supply at Brostlan Construction.
May mga blacklisted contractors din aniya ang patuloy na nakakakuha ng proyekto sa NIA matapos palitan ang kanilang pangalan.
Tinukoy din ng mambabatas ang ilang umano’y ghost projects na karamihan ay sa Mindanao.
Aabot aniya sa 890 million pesos ang proyektong pinondohan ng gobyerno pero hindi man lang nasimulan
Sa impormasyon ng ni Tulfo, ang mga proyekto ay inaprubahan ng isang Deputy Administrator Sulaik.
Dismayado si Senate Majority Leader Joel Villanueva dahil kung ganito aniya ang sistema sa irigasyon, paano mapapataas ang ani at produksyon ng mga pagkain ng mga magsasaka.
“Hindi na nga nagagastos, hindi tapos, hindi gumagalaw ang proyekto, hindi napapakinabangan ng mga kababaya,” pagdidiin ni Villanueva.
Ayon sa mga senador ipinasa ang Republic Act 10969 o Free Irrigation Service Act para ilibre na ang patubig sa mga magsasaka pero kung walang irigasyon, hindi rin ito mapapakinabangan ng mga magsasaka
Target ng Senado na bumuo ng isang tracker team na mag-i-inspeksyon sa lahat ng NIA projects.
Ang tracker team ang magsusuri kung umuusad ba ang mga proyekto o nananatiling drawing ang irrigation projects.
“How we can verify itong mga agencies na ito to do a bit of fact checking pagdating sa budget, nandyan ba proyekto? pag hindi nagawa bakit ka hihingi ng P40-billion hindi pa tapos ang absorptive capacity, we should not give them more funds,” pagdidiin naman ni Senate President Juan Miguel Zubiri.
Meanne Corvera