Anomalya sa Philhealth iimbestigahan ng Senado sa pagbubukas ng 18th Congress sa Hulyo
Hiniling na ng Senado sa Commisison on Audit na magsagawa ng special audit sa pondo ng Philippine Health Insurance Corporation o Philhealth.
Ayon kay Senate minority leader Franklin Drilon ang report ng COA ang gagamitin nilang batayan sa pag-iimbestiga kung saan napunta ang pondo sa mga pinekeng kidney patients.
Sinabi ni Drilon na agad syang maghahain ng resolusyon sa pagbubukas ng sesyon ng 18th Congress sa July 1 para busisiin ang mga reklamo ng pekeng dialysis ng ilang Philhealth members.
Nakakabahala aniya dahil kapag naipatupad na ang Universal Health Care Law, lalung madadagdagan ang pondo ng Philhealth.
Kailangan aniyang bigyan ito ng priority ng Senado dahil daang bilyong piso ang pondo na nawala sa Philhealth at sisimulan na ring dinggin ng Kongreso ang Panukalang budget para sa 2020.
Ulat ni Meanne Corvera