Anong sistema ng pagtulong ang kailangan ngayon pandemya?
Magandang araw sa inyong lahat mga ka- Isyu! Sa ikatlong pagkakataon ay isasailalim tayo sa Enhanced Community Quarantine o ECQ.
Marami ang nagtatanong na sana ay may community pantry kahit daw papaano ay makakatulong ito. Sorry po, pero dinidiscourage po ang community pantry bagaman maganda ang layunin, ang pangamba ay puwedeng maging super spreader ng Covid-19 lalo na ng pinangangambahan na delta variant.
Alam namin kung paano dumugin ang community pantry, madaling araw pa ay nakapila na ang mga kababayan natin . Eh, ngayon dahil sa ECQ kailangang kontrolin ang paglabas ng tao.
Alam po ba ninyo na may isang grupo sa Sampaloc, Maynila, actually ay kinopya ito sa Malaysia kaya lang may ginawa silang pagbabago sa sistema na parang community pantry din para makatulong sa mga nangangailangan.
Sa Malaysia ang tawag nila ay ‘white flag’, kung saan yung mga nangangailangan ng tulong ay maglalagay ng puting tela o bandera sa kanilang mga bahay, nakadisplay ito para makita at mabigyan ng tulong.
Dito sa Pilipinas, binago ng grupo ang kulay, red at green flags naman. Ang sistema parang community pantry din pero bahay-bahay. Ang pamilya na nakatira sa isang bahay na nangangailangan ng tulong ay maglalagay ng red flag para makita, signal ito na ang mga nakatira sa bahay ay nangangailangan ng tulong.
Hindi pera ang ibibigay na tulong kundi pagkain.Tapos ang mga gustong tumulong o magbigay ng pagkain ay maglalagay ng green flag naman.
Ano sa palagay ninyo mga ka Isyu, puwede di ba? Ginagawa na daw ito sa Sampaloc, kaya maaari ding gayahin ng ibang lugar.
Sa ganitong pamamaraan ayon sa grupo, maiiwasan ang pagkukumpulan ng tao. Community pantry with some changes, ika nga.