Anti COVID-19 mass vaccination program ng pamahalaan matapos ang 8 buwan matagumpay – PRRD
Ibinida ni Pangulong Rodrigo Duterte sa taumbayan na maituturing na matagumpay ang anti COVID-19 mass vaccination rollout program ng pamahalaan na pinasimulan noong buwan ng Marso ng taong kasalukuyan.
Sa kanyang pinakahuling Talk to the People sinabi ng Pangulo sa loob ng 8 buwang pagbabakuna laban sa COVID-19 ay unti-unti ng bumababa ang kaso ng corona virus sa bansa.
Ayon sa Pangulo nananatiling balakid sa pamahalaan ang vaccination hesitancy lalo na sa mga malalayong probinsiya.
Dahil dito inatasan ng Pangulo ang Department of Interior and Local Government o DILG na himukin ang mga local government executives na tumulong sa kampanya ng national government upang maitaas pa ang daily anti COVID 19 vaccination rate.
Inihayag ng Pangulo, nakakasa na ang tatlong araw na anti COVID-19 mass vaccination sa buong kapuluan na magsisimula sa November 29 hanggang December 1 kung saan target na mabakunahan ang karagdagang 15 milyong mamamayan.
Umaasa ang Pangulo na makukuha ang target ng gobyerno na mabakunahan laban sa COVID-19 ang 50 porsiyento ng populasyon ng bansa bago matapos ang taong kasalukuyan upang makamit ang population protection.
Vic Somintac