Anti-Covid-19 vaccine hesitancy sa bansa, mataas pa rin – NTF
Inamin ni National Task Force Against COVID-19 o NTF Chief Implementer at Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez na mataas pa rin ang vaccine hesitancy o mga ayaw magpabakuna sa bansa.
Ito ang iniulat ni Secretary Galvez kay Pangulong Rodrigo Duterte sa regular weekly Talk to the People.
Sinabi ni Galvez na mataas ang vaccine hesitancy sa mga malalayong lugar sa bansa at sa mga nasa class D at class E population o mga mahihirap na mamamayan.
Ayon kay Galvez kinakailangan na magkaroon ng mabisang estratehiya ang gobyerno para maengganyo ang mga nagdadalawang isip na magpabakuna laban sa COVID-19.
Inihayag ni Galvez kailangang magkaroon ng bandwagon mentality sa kampanya ng pamahalaan sa pagsusulong ng anti COVID-19 mass vaccination program.
Niliwanag ni Galvez na unti-unti nang nagkakaroon ng matatag na supply ng anti-COVID-19 vaccine sa bansa dahil patuloy na dumarating ang mga binili at donasyong bakuna.
Vic Somintac