Anti-Endo Bill inaasahang lalagdaan ng Pangulo bago ang SONA sa Lunes
Umaasa si Senador Joel Villanueva na lalagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte bago ang State of the Nation Address sa Lunes ang Security of Tenure bill o Anti-Endo bill.
Sa harap ito ng patuloy na pagharang ng mga employers sa panukalang batas.
Ayon kay Villanueva, isa sa may akda at nagdepensa ng anti-endo bill bilang Chairman ng Senate Committee on Labor, mahalaga ang pagsabatas ng anti-endo para sa kapakanan ng mga employer at manggagawa.
Iginiit ng Senador na sa panukala, patas at balanse ang nagsasalpukang interest ng mga manggagawa at employers.
Nakabatay aniya ito sa utos ng konstitusyon na pahalagahan ang karapatan ng mga manggagawa habang kinikilala rin ang karapatan at pangangailangan ng mga negosyante na bumalik at mapalago ang kanilang investment.
Sa Anti-Endo bill, bawal na ang kontkraktwalisasyon ng mga manggagawa.
Apat naman ang magiging klasipikasyon ng manggagawa – sila ay maaring regular, probationary, per project at seasonal.
Ang mga labor agency o labor contractor ay kailangan nang kumuha ng lisensya mula sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Obligasyon ng DOLE na mag-imbestiga at tumiyak ng benepisyo ng mga manggagawa bago magbigay ng lisensya sa labor contractor.
Ulat ni Meanne Corvera