Anti-Prank ordinance, nilagdaan na sa Muntinlupa City
Nilagdaan na ni Muntinlupa City Mayor Jaime Fresnedi ang Local Ordinance 2020-141 o Anti-Prank Caller na nagbabawal sa maling paggamit ng Emergency Hotline ng Lungsod ng Muntinlupa.
Binigyang diin ng alkalde na ang sinomang lalabag sa naturang ordinansa, pangunahin na ang mga kabataan ay maaaring mapatawan ng parusa at may posibilidad pang maalisan ng scholarship grant ng Local Government Unit (LGU).
Nakasaad din sa ordinansa na ang mahuhuling lalabag ay magmumulta ng P5,000 at pagkakulong ng tatlumpong (30) hanggang siyamnapung (90) araw.
Samantala, isang araw na seminar naman ang gagawin ng City Department of Disaster Resilience Management sa mga mahuhuling menor de edad para sa unang opensa ( 1st offense ), pagkansela ng Scholarship Grant sa mga pinagkalooban ng MSP o multa ng tatlong daang piso ( P300) para sa hindi napagkalooban ng Scholarship Grant ng LGU.
Limang daang piso (P500) naman sa ikatlong paglabag na ang guardian o magulang ng menor de edad ang maaaring magmulta.
Binigyang diin din ni Fresnedi na ang idineklarang Emergency Hotline ay para lamang sa agarang pagtugon ng Local Agency na may kaugnayan sa Emergency Response ng Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), Muntinlupa Traffic Management Bureau ( MTMB) at Disaster Risk Reduction Management ( DRRM).
Binalaan din ang publiko na nakikipag-ugnayan ang Local Executive sa National Bureau of investigation (NBI) at National Telecommunications Commission (NTC) para sa agarang pagtukoy sa mga taong gagawa ng alarma o kalokohan para lamang pag-tripan umano ang mga nakatalagang operator sa naturang emergency hotline.
Ipinaalala rin ng alkalde na ang Emergency Hotline ng Lungsod ay para lamang sa agarang pagtugon ng mga kinauukulan sa panahon ng sakuna, kalamidad tulad ng bagyo, sunog, pagbaha at iba pang emergency rescue.
Jimbo Tejano