Anti-Terrorism Law, pinaaamyendahan sa Senado….Pagpapakulong sa mga hinihinalang terorista, nais pahabain
Nais ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na paamyendahan ang batas sa anti -errorism partikular na ang reglementary period sa detention ng mga hinihinalang terorista.
Sa panukala ni Dela Rosa, nais nito na payagan ng Korte ang mga Law Enforcers na ikulong ang mga mahuhuling hinihinalang terorista sa loob ng 30 araw.
Sa kasalukuyang batas, hindi maaring ikulong at mahaharap sa kasong arbitrary detention ang mga pulis o sinumang law enforcers kapag lumagpas sa tatlong araw ang mga inaakusahan hangga’t walang Warrant of Arrest mula sa Korte.
Iginiit ni Dela Rosa na kung bibigyan aniya ng lagpas kahit isang linggo ang mga otoriad, makakakolekta ng sapat na ebidensya para idiin ang isang suspek.
Sinabi ni Dela Rosa na batay sa kaniyang karanasan. napapalaya at nahihirapan na silang muling tugisin ang mga hinihinalang terorista dahil hindi sapat ang panahon para maimbestigahan at makakuha ng sapat na impormasyon para idiin sila sa korte.
Ulat ni Meanne Corvera