Anti- Torture advocates naghain ng petisyon kontra sa Anti-Terror Law sa Korte Suprema
Umaabot na sa mahigit 30 ang mga petisyon na inihain sa Korte Suprema laban sa Anti- Terrorism law.
Ang pinakahuling petisyon ay isinampa ng mga anti-torture advocates, torture survivors, at women at childs rights groups.
Sa kanilang petition for certiorari and prohibition, hiniling ng United Against Torture Coalition -Philippines sa Supreme Court na ideklarang labag sa Saligang Batas ang RA 11479 o ang Anti- Terror Act.
Partikular sa kinukwestyon ng mga petitioners ang probisyon na nagpapahintulot sa Anti Terror Council na magpaaresto ng mga suspected terrorist kahit walang warrant of arrest mula sa mga korte.
Itinaon ng grupo ang paghahain ng petisyon sa kaarawan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ngayong September 11.
Ito ay bilang protesta na rin ng petitioners sa panukala sa Kongreso na ideklara ang September 11 bilang President Ferdinand Marcos Day sa Ilocos Norte.
Ayon pa sa grupo, nagpapaalala sa panahon ng Batas Militar ang Anti Terror law kung marami ang tinorture at dinakip nang walang arrest warrant.
Iginiit pa ng mga petitioners na nilalabag ng mga probisyon ng Anti Terror Act ang mga umiiral na batas laban sa torture at involuntary disappearances.
Batay rin anila sa mga documented cases, nangyayari ang torture sa panahon mula ng warrantless arrest hanggang sa detention o bago dalhin sa hukuman ang indibidwal.
Moira Encina