Apat arestado ng NBI dahil sa iligal na pagbebenta ng remdesivir sa QC
Tinatayang halos P2 milyong halaga ng remdesivir ang nakumpiska ng NBI mula sa mga suspek na iligal na nagbebenta ng antiviral drug.
Ang remdesivir ay investigational drug na ginagamit ng ilang ospital sa paggamot ng mga pasyente na may COVID-19.
Ayon sa NBI, timbog sa magkahiwalay na operasyon sa Quezon City ng NBI- Special Task Force ang apat na suspek sa iligal na bentahan ng Remdesivir.
Kinilala ng NBI ang mga suspek na sina MARIA CHRISTINA MANAIG, CHRISTOPHER BOYDON, PHILIP BALES, at BERNARD TOMMY BUNYI.
Ikinasa ng NBI ang entrapment operations matapos ang report na natanggap nito ukol sa laganap na bentahan online ng Remdesivir.
Na-contact ng NBI ang mga online sellers ng nasabing antiviral medication at umorder mula sa dalawang nagbebenta ng tig-isang vial na may halagang P4,500 at P5,000.
Nahuli ng NBI sina Manaig, Boydon, at Bales sa West Avenue habang nadakip si Bunyi sa Timog, QC.
Isinalang na sa inquest proceedings sa piskalya sa QC ang mga suspek kung saan ipinagharap sila ng mga reklamong paglabag sa FDA law at Philippine Pharmacy Act.
Batay sa FDA, kinakailangan ng Compassionate Special Permit (CSP) ang paggamit ng nasabing gamot.
Ang CSP ay ibinibigay lamang ng FDA sa mga lisensyadong doktor at ospital.
Moira Encina