Apat, arestado sa drug buy-bust operation sa Caloocan
Arestado ng PCP Station 2 Caloocan sa pakikipagtulungan ng PDEA ang apat na miyembro ng isang pamilya matapos na gawing hanapbuhay ang pagbebenta ng ilegal na droga sa 8th Avenue Caloocan City.
Kinilala ang mga naaresto sa loob mismo ng kanilang bahay sa 8th Avenue ang mag-aamang sina Freddie de Guzman Sr., 63-years old; dalawang anak nito na sina Freddie Jr., 40-years old; Zaldy 36-years old; at asawa ni Freddie Jr. na si Angelica 26 years old.
Aminado naman ang mga ito na gumagamit ng shabu, umamin din ang ama ng pamilya na si Mang Freddie na matagal na siyang ‘tulak’ ng ilegal na droga hanggang sa namana ito ng kanyang mga anak.
Aminado rin ang mga anak ni Mang Freddie na sila ay gumagamit at nagbebenta din ng ipinagbabawal na shabu.
Kahirapan aniya ang nagtulak sa kanya gayundin sa mga anak niya para magpabayad ng ₱20 sa kanilang parokyano para magamit na ‘drug den’ ang kanilang bahay.
Nasamsam sa mag-anak ang 10 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng 50,000.
Ayon kay P/SSupt. Chito Bersaluna hepe ng Caloocan City PNP, tumugon sila sa natanggap na tip ng isang residente hanggang sa ikasa ang operasyon at maaresto ang mag-anak na de Guzman na nasa drug watchlist ng Caloocan City Police.
Samantala, sasampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Act ang mga suspect.
Ulat ni: Earlo Bringas