Apat na Chinese drug convicts na napalaya mula sa Bilibid, mananatili sa Bureau of Immigration hanggang hindi pa narerepaso ang mga guidelines sa GCTA law
Hindi muna ipapadeport ng Department of Justice (DOJ) sa Bureau of Immigration (BI) ang apat na Chinese drug convicts na napalaya na sa National Bilibid Prisons (NBP) dahil sa Good Conduct Time Allowance (GCTA).
Sinabi ni Justice secretary Menardo Guevarra na kung nasa kustodiya pa ng BI ang mga Tsino ay ipapa-hold nila ang deportasyon ng mga ito.
Ayon sa kalihim, ito ay hanggang sa hindi pa natatapos ng joint DOJ-DILG committee ang pagrebyu sa implementing rules and regulations sa RA 10592 o pinalawig na GCTA law.
Tiniyak din ni Guevarra na hindi makakalabas ng bansa ang mga pinalayang Chinese convicts hanggang sa madetermina ng Joint committee ang mga kaukulang hakbang para sa mga bilanggong convicted ng mga heinous crimes na nakalaya na sa kulungan.
Una nang kinumpirma ng BI na nasa detention facility nila ang apat na Chinese at hinihintay na lang na makumpleto ang ilang clearance bago sila ipatapon pabalik ng Tsina.
Ulat ni Moira Encina