Apat na Head Revisors ng PET sa Vice-Presidential Manual recount, nagbitiw
Matapos lamang ang isang araw ng manual recount sa mga boto sa pagka- Bise-Presidente, umatras na ang apat sa mga head revisors na nangangasiwa sa manu-manong bilangan.
Walang dahilan na ibinigay ang mga nasabing head revisors ng Presidential Electoral Tribunal o PET kung bakit sila nagbitiw.
May apat naman na alternate Head revisors na pumalit sa mga umatras kaya tuluy-tuloy ang recount.
Sa kabuuan ay mayroong 40 revision committees na pinamumunuan ng tig-isang head revisor.
Sa ikalawang araw ng bilangan ay may binuksang labing-isang balota na mula pa rin sa Camarines Sur.
Gaya ng mga naunang balotang nabuksan, may mga basa pa rin at unreadable na balota.
Ikinagulat at ikinabahala naman ni dating Senador Bongbong Marcos ang pag-atras ng apat nang walang rason.
Wala aniyang ordinaryong revisor lalo na’t sumalang sila sa Psychological test at pagkilatis ng PET.
Umaasa naman si Marcos na hindi ito magreresulta sa muling pagkaantala ng kanyang protesta lalo na’t may mga natuklasan na silang malinaw na senyales ng dayaan.
Ulat ni Moira Encina