Apat na manlalaro ng NBA, pinagmulta
Pinagmulta ng National Basketball League ang apat na manlalaro kabilang ang 3 miembro ng Utah Jazz, matapos ang alitan sa 4th quarter ng isang laro sa pagitan ng Indiana Pacers at ng Jazz, noong Huwebes ng gabi.
Pinakamalaking multa na nagkakahalaga ng $35,000 ay ipinataw kay Rudy Gobert ng Utah Jazz, habang $25,000 naman kay Myles Turner ng Pacers matapos nilang magpambuno sa ilalim ng basketball ring, sa nalalabing apat na minuto ng laban sa pagitan ng Pacers at Jazz sa Salt Lake City.
Ayon sa Liga, kay Gobert nila ipinataw ang pinakamalaking multa dahil sa pagsisimula ng gulo.
Ang Utah guards naman na si Joe Ingles ay pinagmulta ng $20,000 at Donovan Mitchell ($30,000), dahil sumali rin sila sa kaguluhan.
Nagsimula ito matapos butatain ni Turner ang tangkang pagbuslo ng bola ni Gobert na tila tinugon naman nito nang paghila kay Turner nang pababa na siya sa ground mula sa tangkang pagbuslo ng bola sa basketball ring.
Ginantihan ito ni Turner ng pagtulak sa likod ni Gobert, na bumwelta naman sa pamamagitan ng pagyakap sa kaniya na para siyang nire-wrestling.
Sumali naman sa kaguluhan si Mitchell at Ingles, kayat silang 4 ay napatalsik mula sa court.
Ayon sa liga . . . “Mitchell was fined for escalating an on-court altercation by verbally taunting an opponent, while Ingles was fined for making inappropriate contact with an official.”
Inanunsiyo rin ng liga na ang Toronto guard na si Fred VanVleet ay pinagmulta naman ng $15,000 dahil sa isang “obscene gesture” sa final minute ng laban ng Raptors at Philadelphia 76ers noong Huwebes, na pinagwagian ng Raptors.
Ito ay dahil “nag-celebrate” si VanVleet kasunod ng ginawa niyang pagbuslo sa bola sa nalalabing 23 segundo ng 4th quarter.
Sa pagtatapos ng laro ay nakagawa si VanVleet ng game-high 32 points na nakatulong para matapos ang tatlong sunod-sunod na pagkatalo ng Raptors. (AFP)