Apat na panukalang batas na may kinalaman sa bagong pagbubuwis ng Marcos Jr. Administration isinalang na sa plenaryo ng Kamara
Sumalang na sa plenaryo ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang apat na panukalang batas na may kinalaman sa pagbubuwis.
Una dito ang House Bill 4339 o Passive Income Financial Intermediation Tax Bill.
Sa ilalim ng package 4 sa Comprehensive Tax Reform ng Marcos Jr. administration gagawin ng mas simple ang pagbubuwis para maging madali ang pagkolekta ng gobyerno.
Bahagi nito ang pagkakaroon ng unified tax rate na 15 percent para sa royalties and interests, dividends at capital gains.
Mula naman 0.6 percent ay ibababa sa 0.1 percent ang stock transaction tax upang mahimok ang equity capital market investment.
Inalis na rin ang exemption sa excise tax ng mga pick-up truck at ang 30 pesos na documentary stamp tax para sa ilang dokumento tulad ng NBI Clearance, Birth Certificate, at Diploma.
Isinalang narin sa plenaryo ang House Bill 4102 o panukalang magpapataw ng 20 pesos na excise tax sa kada kilo ng single use plastic bags at House Bill 4122 o Digital Service Tax kung saan papatawan ng 12 percent Value Added Tax o VAT sa non-resident digital service providers sa bansa tulad ng Netflix, Spotify, Lazada at iba pang online service providers.
Exempted naman dito ang educational services na karaniwang ginagamit ng mga institution na accredited ng Department of Education o DEPED, Commission on Higher Education o CHED at Technical Education and Skills Development Authority o TESDA.
Panghuli ay ang House Bill 4125 o Ease of Paying Taxes Bill na naglalayong i-modernisa ang pagbabayad ng buwis at filing ng tax returns para sa maliliit na taxpayers.
Vic Somintac