Apat na pulis na dawit sa pagkamatay ng isang PWD sa Valenzuela city, hawak na ng PNP-NCRPO
Nasa kustodiya na ng Philippine National Police- National Capital Regional Police Office (PNP-NCRPO) ang apat na pulis na sangkot sa pagpatay sa isang special child na si Edwin Arnigo sa isang tupada raid sa Valenzuela city.
Ayon kay PNP-NCRPO Chief Vicente Danao, nadisarmahan na at hawak na nila ang mga ebidensya laban sa mga pulis.
Minamadali na rin ang pagpoproseso ng kasong administratibo laban kina Police Master Sgt. Christopher Salcedo, Police Corporal Kenneth Pacheco, PCpl. Rodel Villar, at PCpl. Rex Paredes.
Sinabi ni Danao na ipinauubaya na rin nila sa National Bureau of Investigation (NBI) ang kaso ni Arnigo at igagalang anuman ang magiging rekomendasyon nito.
Pagtiyak ni Danao, hindi sila papayag sa anumang kaso ng pang-aabuso ng mga pulis at tiniyak na mabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ng biktima.
Meanne Corvera