Apat na pulis- Valenzuela kinasuhan na sa DOJ ng robbery dahil sa pangongotong sa mga junk shop
Kinasuhan na sa DOJ ang apat na pulis -Valenzuela na sangkot sa pangongotong sa mga junk shop.
Reklamong robbery na paglabag sa Article 294 ng Revised Penal Code ang inihain ng PNP Counter-Intelligence Task Force laban sa mga pulis.
Kabilang sa kinasuhan ang tatlong pulis na naaresto sa entrapment operation na sina SPO4 Serafin Adante na Deputy Commander ng Valenzuela City Police Community Precinct 8, PO1 Ryand Paul Antimaro at PO1 Rey Harvey Florano at ang sibilyan na si Amado Baldong Jr.
Kabilang din sa sinampahan ng reklamong robbery si PCP 8 Commander Adonis Paul Escamillan na hindi kasama sa nahuli sa operasyon ng CITF.
Ikinasa ang entrapment operation laban sa mga kotong cops batay sa reklamo ng isang may-ari ng junk shop na gabi-gabi silang iniikutan ng mga pulis para kulektahan ng 200 hanggang 500 piso.
Ayon kay Asst. State Prosecutor Loverhette Jeffrey Villordon, submitted for resolution na ang kaso at hindi na isasailalim sa preliminary investigation dahil tumanggi nang maghain ng counter-affidavit ang mga respondent na pulis.
Ulat ni Moira Encina