Apat na Rohingya patay sa shootout sa refugee camp sa Bangladesh
Patay ang apat na Rohingya refugees sa nangyaring labanan sa pagitan ng dalawang insurgent groups sa Bangladesh, senyales ng lumulubhang kawalan ng seguridad sa overcrowded relief camps ng bansa.
Ang Bangladesh ay tahanan ng humigit-kumulang isang milyong miyembro ng stateless at mainly Muslim minority, na ang karamihan ay tumakas mula sa isang military crackdown noong 2017 sa Myanmar, na ngayon ay subject ng isang UN genocide probe.
Ang dose-dosenang refugee camp na pinaninirahan ng Rohingya, ay naging isa nang larangan ng labanan ng magkaribal na armadong grupo na ginamit ang mga pamayanan bilang staging posts para sa drug trafficking at human smuggling.
Sinabi ng local police chief na si Shamim Hossain, na ang isang oras na palitan ng putok ay nangyari sa pagitan ng Arakan Rohingya Salvation Army (ARSA) at Rohingya Solidarity Organisation (RSO) Martes ng gabi.
Aniya, “Four Rohingya refugees were killed and two Rohingya were seriously injured.”
Hindi naman nagbigay ng komento ang alinman sa magkabilang panig tungkol sa nangyaring labanan.
Hinahamon ng RSO ang mas malaki at mas matatag na ARSA para sa kontrol ng mga kampo simula nang mag-umpisa ang 2023, kasabay ng pag-crackdown sa ARSA ng mga pwersang panseguridad ng Bangladesh..
Ang karahasan ay naging bahagi na ng buhay ng mga naninirahan sa refugee settlements.
Sinabi ng pulisya na mahigit na sa 60 Rohingya refugees ang namatay sa mga labanan sa Bangladesh camps ngayong taon, kabilang ang mga bata at mga babae.
Sinabi naman ng United Nations Refugee Agency (UNHCR), na naaalarma na ito sa nagpapatuloy na paglubha ng sitwasyong pangseguridad sa mga kampo.
Laganap din ang malnutrisyon, kung saan sinabi ng UN food agency na ang kakulangan sa pondo sa taong ito ay sanhi upang mapilitang bawasan ng 1/3 ang mga rasyon.
Ang mga Rohingya namang natitira sa Myanmar ay nahaharap sa matinding pag-uusig ng mga awtoridad, na tinatanggihan silang bigyan ng pagkamamamayan at access sa pangangalagang pangkalusugan.
Ang desperadong sitwasyon sa Myanmar at sa mga kampo sa Bangladesh, ay nag-udyok sa libu-libong Rohingya na subukan ang mapanganib at madalas ay nakamamatay na mga paglalakbay sa dagat patungo sa mga bansa sa Timog-silangang Asya upang makatakas.
Mahigit sa isanglibo ang dumaong sa westernmost province ng Indonesia noong nakaraang buwan, ang pinakamaraming bilang ng Rohingya na dumating doon simula noong 2015.
Halos 350 Rohingya naman ang namatay o nawala noong isang taon, habang tinatangkang tumawid ng dagat batay sa pagtaya ng UNHCR.