Apat na sangkot sa Agricultural smuggling, pinangalanan na ng Senado
Pinangalanan na ng Senado ang apat na iniimbestigahan sa smuggling ng agricultural products kabilang na ang tinaguriang ‘Onion queen’.
Kabilang sa tinukoy sina Manuel Tan na umano’y nag- ooperate sa Subic, Cagayan de oro at, Batangas, Andrew Chang- subic ng Manila International container port at Batangas; Leah “Luz” Cruz na tinaguriang “Onion Queen” na nag- ooperate sa MICP at Cagayan De Oro at Mayor Jun Diamante na sangkot umano sa smuggling ng agri fishery products sa Cagayan De Oro City.
Sa pagdinig ng Committee of the whole ng Senado sinabi ni Senate president Vicente Sotto III na ang mga ito ang itinuro ng kanyang whistleblower na dawit sa smuggling na pumapatay sa kabuhayan ng mga lokal na magsasaka.
Kinumpirma ni NICA Sub-Task Group on Economic Intelligence Director Edsel Batalla na ang mga pangalang binanggit ni Sotto ay kabilang sa kanilang listahan ng smugglers kasama ang dalawampung iba pa.
Gayunman, kailangan pa raw i-validate ang pangalan ng mga ito kasama na ang limang itinuturong mga umanoy protektor dahil limitado raw ang kanilang impormasyong nakukuha.
Kwestiyon tuloy ni Senador Cynthia Villar, kung may minomonitor ang NICA bakit walang nakukulong sa smuggling lalo na ng mga gulay mula sa China.
Paalala ng Senador batay sa Republic act 10845 o Anti Agricultural Smuggling Act ang mga dawit sa Agricultural smuggling dapat kasuhan ng economic sabotage.
Pero ayon sa DOJ, may mahigit isandaan nang nakapending na kaso.
Sa mga kasong ito may mga nadismiss na habang ang iba hinihintay na lamang nila ang pinal na desisyon ng DOJ pero wala pang nako convict.
Giit ng mga Senador dapat bilisan ng NICA ang imbestigasyon.
Habang nakakalaya ang mga smuggler namamayagpag pa rin ang mga ito kaya unti unting namamatay ang kabuhayan ng mga lokal na magsasaka.
Meanne Corvera