Apat na ScanEagle Unmanned Aerial Systems, nai-turnover na ng US military sa Philippine Air Force
Natanggap na ng Philippine Air Force (PAF) ang apat na ScanEagle Unmanned Aerial Systems (UAS) na nagkakahalaga ng Php200 million mula sa militar ng US.
Isinagawa ang turnover ceremony sa Clark Air Base sa Mabalacat City, Pampanga.
Ayon sa US Embassy, ang mga UAS ay magbibigay ng dagdag na kapasidad sa unmanned Intelligence, Surveillance, Reconnaissance (ISR), at suporta sa counterterrorism, humanitarian assistance at disaster relief efforts ng Pilipinas.
Dumalo sa seremonya sina US Embassy Chargé d’Affaires ad interim Heather Variava, US Indo-Pacific Commander Admiral John Aquilino, Defense Secretary Delfin Lorenzana, Philippine Air Force Commanding General Lt. Gen. Allen Paredes, at mga kinatawan ng US Embassy.
Tiniyak ni Variava na committed ang US sa pangako nito na tutulong sa pag-modernisa sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas.
Inihayag ng embahada na pinagkakalooban ng US ang AFP ng grant assistance at pinabibilis ang pagbenta ng mga armas at munitions para suportahan ang modernisasyon nito at mga urgent requirements sa maritime security, counterterrorism, humanitarian assistance, at disaster relief.
Moira Encina