Apat na South Korean namatay sa baha sa Vietnam
Apat na South Korean tourists ang nasawi sa Central Highlands ng Vietnam, matapos tangayin ang kanilang sinasakyan nang rumaragasang tubig kasunod ng ilang araw nang malakas na mga pag-ulan.
Nangyari ang insidente sa Dalat, isang lungsod na popular sa holidaymakers, nang tangkain ng tourist jeep na kanilang sinasakyan na tumawid sa isang umaapaw nang batis.
Ayon sa VN Express news site, banggit ang isang lokal na opisyal, ang tubig ay biglang tumaas matapos ang tatlong araw ng tuloy-tuloy na pag-ulan sa mabundok na Lam Dong province, na kinaroroonan ng Dalat.
Ang bangkay ng mga biktima ay natagpuan ilang kilometro sa ibaba ng batis mula sa pinangyarihan ng aksidente.
Ang Vietnamese driver ng jeep ay tinangay din ngunit natagpuang buhay.
Ang nasawing mga turista ay nasa kanilang day tour upang libutin ang Dalat.
Ilang bahagi ng central Vietnam ang dumaranas na ng malalakas na mga pag-ulan simula sa kalagitnaan ng buwang ito, dahil ang Oktubre ay rainy season sa nasabing bansa.