Apat patay sa demonstrasyon sa South Africa
Apat katao ang namatay sa naganap na protesta kaugnay ng mataas na halaga ng kuryente at iba pang basic servcies, sa isang bayan sa South Africa.
Binarikadahan ng galit na mga residente ang mga kalsada ng sinunog na mga gulong, at sinunog din ang isang municipal building sa bayan ng Thembisa sa hilagangsilangan ng Johannesburg, na siyang financial hub ng S.Africa.
Sinabi ng mga awtoridad na dalawa katao ang nasawi sa umano’y pamamaril ng mga pulis nang magsimula ang protesta ng umaga.
Sinabi ng tagapagsalita ng municipal police na si Kelebogile Thepa, na nang dumating ang gabi ay dalawa pang bangkay ang natagpuan malapit sa entrance ng nasunog na gusali.
Aniya, hindi pa makumpirma ng pulisya ang sanhi ng pagkamatay ng apat dahil nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang mga kinauukulan.
Regular nang nagkakaroon ng mga protesta kaugnay ng hindi magandang mga serbisyo sa South Africa, na nakikipaglaban sa itinuturing na isa sa pinakamataas na unemployment at crime rates sa mundo.
Ang pinakahuling mga protesta ay nangyari pagkatapos magbabala ni dating pangulong Thabo Mbeki, na ang bansa ay maaaring makaranas ng “uprising” na gaya ng Arab Spring, bunsod ng lumalalang diskuntento.
Nitong nakalipas na buwan ay inakusahan ni Mbeki ang pumalit sa kaniya na si Cyril Ramaphosa, ng kabiguang tuparin ang mga ipinangako na tutugunan ang malawakang kahirapan, hindi pagkakapantay-pantay at kawalan ng hanapbuhay na nasa higit 34.5 percent, kung saan ang mga kabataaang walang trabaho ay halos nasa 64 percent.
Noong isang taon, nakaranas ang South Africa ng isang outbreak ng pinakamatinding karahasan sa bansa mula nang matapos ang apartheid era tatlong dekada na ang nakararaan. Ang malawakang riot at pagnanakaw ay ikinamatay ng higit 350.
Ang sampung araw na kaguluhan ay kasunod ng pagkakakulong ni dating pangulong Jacob Zuma dahil sa pag-iwas sa graft investigators.
© Agence France-Presse