Apatnapu’t apat na barangay sa Ilagan City isinailalim sa localized lockdown
Apatnapu’t apat na barangay sa Ilagan City ang isinailalim sa localized lockdown sa loob ng pitong araw, mula alas doce ng hatinggabi ng Abril 14, hanggang alas doce ng hatinggabi ng Abril 21, 2021.
Ito ang naging hakbang ng Inter Agency Task Force (IATF) Task Force COVID-19 ng lungsod, matapos pumalo sa 257 ang aktibong kaso ng sakit batay sa datos ng City Epidemiology Surveillance Unit.
Bagama’t bumaba na sa 7.16% ang average daily attack rate o ang porsyento ng nahahawa sa COVID-19 sa lungsod, nananatili pa rin ito sa kategoryang high risk.
Naalarma rin ang LGU Ilagan sa naitalang dalawang kaso ng COVID-19 na positibo sa UK variant, dahil ito ang unang kaso ng nasabing variant sa lungsod.
Sa naturang localized lockdown ay ipatutupad din ang liquor ban, at tanging ang mga essential ang papayagang makalabas ng bahay. Muli ring ipatutupad ang barangay quarantine pass.
Kasabay nito ay walang papayagang gumamit ng anomang uri ng pribadong sasakyan, maliban sa emergency situation.
Bagama’t papayagang bumyahe ang mga pampublikong sasakyan, ipatutupad naman ng mahigpit ang number coding scheme sa mga tricycle. Kasama rin sa ipagbabawal ang mga dine-in sa fast food chains at restaurants.
Mahigpt ring ipatutupad ang pagsusuot ng face mask, face shield sa mga papayagang lumabas ng bahay, gaya ng authorized personnel outside residence, at iba pang pinahintulutan batay na rin sa panuntunn ng IATF.
Sa datos ng lungsod, 1,692 na ang naitalang kaso ng COVID-19 at 1,402 naman ang gumaling, habang 33 ang namatay.
Tiniyak naman ng local na pamahalaan na hahatiran ng ayuda ang mga barangay na apekyado ng localized lockdown.
Ulat ni Erwin Temperante