APC, magandang gamitin sa pagtatanim ng palay at mais

logo

“Magtanim ay di biro. Maghapong nakayuko. Di man lang makaupo, Di man lang makatayo.”

Isa ito sa kilala o famous na lyrics ng awiting may pamagat na “Magtanim Ay Di Biro”. Ito ay upang kilalanin ang kahalagahan ng magsasaka sa buhay ng tao. Ang sabi nga, kung wala sila, wala din tayong ihahain sa hapag kainan. Pero alam ba ninyo na may paraan nang ginagawa ngayon para maging maginhawa ang ginagawang pagtatanim ng mga magsasaka?

Tinatawag itong “Adaptive Planting Calendar” o APC. Sa ating panayam kay Dr. Felino P. Lansigan, Project Leader, Professor Emeritus and former Dean. College of Arts and Sciences ng UPLB, sinabi niya na ang APC ay bahagi ng programang tinawag na SARAI o Smarter Approaches to Reinvigorate Agriculture as an Industry in the Philippines na isinasagawa ng UP Los Banos.

Ang naturang Programa ay pinondohan ng Department of Science and Technology – Philippine Council for Agriculture Aquatic ang Natural Resources, Research and Development o DOST-PCAARRD.

Ayon kay Dr. Lansigan, ang APC ay nagsisilbing gabay sa mga magsasaka na nagtatanim ng palay at mais. Aniya, sa pamamagitan nito, matutulungan ang mga magsasaka na malaman kung kailan mamumulaklak, mag-mamature at mag-aani ng mga pananim.

Bukod dito, matatantiya rin ng mga magsasaka kung gaano karami ang posibleng maani nila. Ito naman ay sa pamamagitan ng pagkalkula o pag compute sa planting period ng partikular na pananim.

Ipinaliwanag ni Dr. Lansigan na ang computation para sa planting period ay depende sa dami ng tubig o water requirement na kayang sipsipin o i-absorb ng tanim sa loob ng partikular na araw.

Aniya, sinusuri rin sa pag compute nito ang month o buwan kung saan madalas ang pag ulan sa lugar na may nakatanim.

Halimbawa, sabi pa ni Dr. Lansigan, upang magkaroon ng masaganang ani ng palay, kailangan nito ng hindi bababa sa 200 milimetrong tubig sa loob ng 30 araw, habang ang mais naman ay nangangailangan ng 100 milimetrong tubig sa loob naman ng 20 araw.

Samantala, isa pang teknolohiya mula sa programang SARAI ay ang tinatawag na CL SEAMS o Community Level SARAI-Enhance Agricultural Monitoring System na siya namang kaagapay sa pagtukoy ng APC.

Sinabi ni Dr. Lansigan na sa pamamagitan nito, maaaring malaman ang inaasahang rainfall sa buong panahon ng cropping season.

Bukod dito, mas mapapadali ang pagkalendaryo at pagpa-plano ng pagtatanim at pag aani ng mais at palay.

Bukod sa APC at CL SEAMS, sinabi ni Dr. Lansigan na isa pang teknolohiya na malaki ang maitutulong sa mga magsasaka ay ang tinatawag na Decision Support Sytem for Agro Technology Transfer o DSSAT.

Sa pamamagitan ng nabanggit na teknolohiya, matutukoy nito ang mga inaaasahang dami ng ani magsasaka sa petsa kung kailan aanihin ang kanilang itinanim.

Ayon kay Dr.Lansigan, binibigyan ng DSSAT ng ideya ang mga magsasaka kung kailan dapat simulan ang pagtatanim at kailan dapat ihanda ang mga kinakailangang kagamitan sa produksyon nito.

Kaya para sa mga magsasaka ng bansa, maaari ninyong bisitahin ang SARAI Web Portal dahil quarterly ay mayroong update na ginagawa na makatutulong sa inyong pagtatanim.

Mababasa din sa naturang web portal ang ibat-ibat advisory patungkol sa pagtatanim ng palay, mais, saging, niyog, kape, kakaw, asukal, soybean at kamatis. Planting is easy na, dahil sa teknolohiya.

Please follow and like us: