Apela ni Ressa sa guilty verdict sa kasong cyberlibel, ibinasura ng CA
Pinagtibay ng Court of Appeals ang hatol na guilty ng Manila Regional Trial Court kay Rappler CEO Maria Ressa sa kasong cyber libel.
Ito ay matapos na ibasura ng CA ang apela na inihain ni Ressa.
Matatandaang noong Hunyo 2020 hinatulang guilty beyond reasonable doubt ni Branch 46 Presiding Judge Rainelda Estacio-Montesa sina Ressa at dating Rappler researcher-writer na si Reynaldo Santos Jr.
Sinentensiyahan ng Manila court sina Ressa at Santos ng parusang pagkakakulong na anim na buwan hanggang anim na taon.
Ang kaso ay kaugnay sa inilathalang artikulo ng Rappler sa website nito noong 2012 at ni-republish noong 2014 laban sa complainant at negosyanteng si Wilfredo Keng.
Sinabi ng korte na napatunayan ng prosekusyon na present ang lahat ng elemento ng online libel sa kaso.
Ayon pa sa judge, defamatory at malisyoso ang artikulo ng Rappler na nagdawit kay Keng sa iba pang kriminal na aktibidad.
Iginiit ng judge na hindi absolute ang freedom of speech at press at may kaakibat na responsibilidad ang mga nasabing karapatan.
Balak naman iakyat ng kampo ni Ressa ang kaso sa Korte Suprema matapos na di nakakuha ng paborableng ruling mula sa CA.
Moira Encina