Aplikasyon sa CA ni Ex-JBC member Atty. Milagros Cayosa, hinarang ni Atty Larry Gadon
Tinutulan ng abogadong si Lorenzo Gadon ang aplikasyon ni dating Judicial and Bar Council member Milagros Fernan- Cayosa bilang mahistrado ng Court of Appeals.
Si Atty. Cayosa ay ang dating kinatawan ng Integrated Bar of the Philippines sa JBC.
Sa kanyang dalawang-pahinang liham kay Chief Justice at JBC ex officio Chairperson Diosdado Peralta, hiniling ni Gadon na huwag nitong ikonsidera ang aplikasyon ni Cayosa sa CA at sa alinmang pwesto sa hudikatura sa hinaharap.
Binanggit ni Gadon na noong 2019 ay nadiskwalipika na si Cayosa sa associate justice post sa Court of Tax Appeals dahil sa kabiguan na ideklara na mayroong pending administrative complaints laban dito.
Ang nasabing reklamo ay inihain mismo ni Gadon at ni dating Congressman Reynaldo Umali.
Ayon kay Gadon, ang reklamo niya laban kay Cayosa ay bunsod ng kapalpakan nito na gampanan ang kanyang tungkulin bilang JBC member partikular sa pagsala sa documentary requirement ni Atty Maria Lourdes Sereno noong ito ay aplikante sa posisyon ng Chief Justice.
Sinabi ni Gadon na nagresulta sa malaking iskandalo sa kasaysayan ng hudikatura ang hindi pagsunod ni Cayosa sa tamang screening process.
Ito ay dahil nagbunga anya ito ng maling appointment ng isang unqualified applicant sa pinakamataas na pwesto sa hudikatura.
Si Sereno ay napatalsik bilang punong mahistrado sa pamamagitan ng quo warranto dahil sa hindi naisumite ang kumpletong SALN nang mag-apply sa pwesto.
Inihayag pa ni Gadon na sa mga pagdinig sa Kamara ay nabunyag ang hindi makatwirang paghihigpit ni Cayosa sa aplikasyon ni CA Justice Fernanda Peralta pero lenient o maluwag sa ibang mga aplikante.
Nabatid din na nang maghain ng aplikasyon bilang CTA justice si Cayosa ay hindi pa ito nagbibitiw sa JBC.
Si Cayosa ay ang asawa ni IBP National President Domingo Egon Cayosa, at anak ni dating Chief Justice Marcelo Fernan.
Moira Encina