Application na dinivelop ng TIP students, interesadong gamitin ng PNP
Interesado ang Phil. National Police-Information Technology Management Service (PNP-ITMS), sa binuong application ng mga estudyante ng Technological Institute of the Philippines (TIP) na “SulyApp,” para ma-detect ang mga krimen sa pamamagitan ng closed circuit television (cctv).
Ayon kay Lt. Col. Ma. Angela Salaya, Project Head ng PNP Hackathon event, nanalo ng 3rd place ang “SulyApp” na dinivelop ng TIP students.
Aniya, ang Hackathon event ay paraan ng ITMS para hikayatin ang mga IT expert na ibahagi ang kanilang kaalaman sa PNP, upang maging mas “technologically advanced” ang PNP sa pagganap sa kanilang tungkulin.
Subali’t nilinaw ni Salaya, na wala pang pormal na proposal mula sa mga developer na gamitin ng PNP ang app kaya’t kakausapin muna nila ang mga ito.
Ang SulyApp na dinivelop nina Jarod Augustus Austria, Adrian Galit, Joaquin Tyrone Guevarra, Kathleen Jogno at Franklin Nazareno, na pawang computer engineering students, ay gumagamit ng artificial intelligence para makabasa ng galaw ng katawan ng isang gagawa ng krimen.
Sa sandaling ma-detect na ang isang tao ay kaduda-duda ang tayo o kilos ay ilalagay ng SulyApp sa klasipikasyon na emergency ang pangyayari at tutunog ang alarm, at magpapadala ng email sa pinakamalapit na police desk.