Application period ng 2023 Bar Exams, inilabas na ng Supreme Court
May bagong online application platform na gagamitin ang Supreme Court para sa 2023 Bar Examinations.
Sa bar bulletin na inisyu ni 2023 Bar Chair at SC Justice Ramon Paul Hernando, sinabi na ang Bar Application Registration Information System and Tech Assistance (BARISTA) na ang gagamitin para sa aplikasyon sa pagsusulit.
Kaugnay nito, inilabas na ng Korte Suprema ang mga documentary requirement at ang application period sa bar exams.
Para sa mga bagong aplikante o ang mga kukuha ng bar exams sa unang pagkakataon, ang application period ay mula Enero 8, 2023 hanggang Abril 30, 2023.
Itinakda naman sa Mayo 1, 2023 hanggang Hulyo 8, 2023 ang pagsusumite ng aplikasyon ng previous bar takers at refreshers.
Inanunsiyo pa ng SC na ang hard copies ng application form at supporting documentary requirement ay kailangan ipadala sa pribadong courier services sa Office of the Bar Confidant sa loob ng 10 araw mula nang matanggap ang abiso sa application approval.
Kabuuang P12,800 naman ang bar application fee.
Ayon sa SC, gagamitin ito para ipangugol sa software licensing, venue rentals sa local testing centers, at safety measures.
Ang ibang gastusin ay sasagutin naman ng Korte Suprema.
Moira Encina