Appointment ng BSP Governor hindi na dadaan sa kompirmasyon ng Commission on Appointments ayon sa Malacañang
Hindi na nangangailangan pang dumaan sa makapangyarihan Commission on Appointments o CA si incoming Bangko Sentral ng Pilipinas governor Benjamin Diokno.
Sinabi ni Presidential spokesman Salvador Panelo ayon sa batas at jurisprudence na may kinalaman sa pagtatalaga ng BSP governor hindi na kailangan pa ng approval ng CA ang appointment ni Diokno para sa bagong trabaho nito.
Ayon kay Panelo batay sa Article 7, Section 16 ng 1987 Constitution, ang mga presidential appointee na kailangang dumaan sa go signal ng CA ay ang mga heads ng Executive department, ambassadors, public ministers at consuls, mga opisyales ng armed forces mula sa ranggong colonel o naval captain at mga commissioners ng Constitutional Commissions hindi kasama ang BSP governor.
Inihayag ni Panelo mayroon ding jurisprudence ang Korte Suprema noong kuwestiyonin ang appointment ni dating BSP governor Gabriel Singson na nabasura din gamit ang Calderon vs. Carale case na nagsasabing hindi saklaw ng kapangyarihan ng Kongreso ang pagkakaruon nito ng confirmation powers sa itinatalagang BSP governor.
Ulat ni Vic Somintac