Appointment ni Chief Justice Sereno, ipinapawalang-bisa sa Korte Suprema
Kinuwestyon sa Korte Suprema ng isang abugado ang validity ng pagkakatalaga kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Sa 6-pahinang petisyon ni Atty. Oliver Lozano, hiniling nito sa Korte Suprema na ideklarang walang bisa ang pagkakatalaga kay Sereno bilang Punong Mahistrado para sa kapakanan ng publiko.
Ayon kay Lozano, hindi tumalima sa mandatory legal requirement ang pagkakahirang kay Sereno bilang pinuno ng Hudikatura.
Nagdulot din aniya ng malalim na pagkakahati-hati sa Hukuman at sa hanay ng mga abugado ang impeachment case at ang kuwestyon sa validity ng appointment kay Sereno.
Hinimok ni Lozano ang Korte Suprema na desisyunan nito Moto-Propio ang isyu ng appointment ni Sereno.
Aniya, ito ay para matuldukan ang kontrobersiya at mapanatili ang integridad ng Hudikatura at ang tiwala ng publiko sa justice system ng bansa.
Mape-preserba rin aniya ang pagiging independyente ng Hudikatura mula sa Kongreso kapag pinagpasiyahan ng Korte Suprema ang validity ng appointment ni Sereno.
Ulat ni Moira Encina