April inflation rate bumagal sa 6.6% – PSA
Bumagal sa 6.6% ang inflation rate ng bansa sa buwan ng Abril dahil sa mabagal na improvement sa presyo ng ilang pagkain at non-alcoholic beverages.
Ito ang ikatlong pagkakataon na pababa ang inflation o bilis sa pagtaas sa presyo ng bilihin sa bansa mula noong Pebrero.
Sa tala ng Philippine Statistics Authority (PSA) nasa 6.6% ang consumer price index, mas mabagal kumpara sa 7.6% na naitala noong Marso.
Pasok sa 6.3 hanggang 7.6% projection ng Bangko Sentral ng PIlipinas (BSP) ang April inflation rate.
Gayunman, mataas pa rin ito sa 2 to 4% target range ng gobyerno.
Bagama’t itinakda ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) ang magiging paglago ng ekonomiya o economic target sa 6 to 7% ngayong taon, itinaas din nito ang inflation projection para sa 2023 sa 5 to 7% mula sa unang estimate na 2.5 to 4.5%.
Una rito, sinabi ng BSP na ang month-on-month inflation ay maaaring bumalik sa 2 to 4% ngayong taon, ngunit ang annual average inflation ay malabong manatili sa target range hanggang sa susunod na taon.
Vic Somintac