Arbitral award sa South China Sea, igigiit ng PH sa ASEAN Meeting sa Cambodia
Dadalo si Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo sa ASEAN Foreign Ministers Meeting na gaganapin sa Cambodia mula Agosto 2-6 ngayong taon.
Ang ASEAN o Association of Southeast Asian Nations ay binubuo ng Brunei, Cambodia, Indonesia, Laos, Malaysia, Myanmar, Philippines, Singapore, Thailand, at Vietnam.
Ito ang unang face-to-face ASEAN meeting matapos ang dalawang taon.
Sinabi ni DFA Assistant Secretary for ASEAN Affairs Daniel Espiritu na pangungunahan ni Manalo ang delegasyon ng Pilipinas sa mga nasabing pagpupulong.
Aniya inaasahan na igigiit ni Manalo ang arbitral ruling sa South China Sea at 1982 UNCLOS.
Nakatakda ring magsagawa ng bilateral talks si Secretary Manalo sa kaniyang mga counterparts para isulong ang mga interes ng Pilipinas.
Ilan sa mga inaasahang matatalakay ng mga foreign ministers sa ASEAN meeting ay ang giyera sa Ukraine, South China Sea, at kaguluhan sa Myanmar.
Inihayag din ng DFA na nagpapatuloy ang negosasyon sa pagitan ng ASEAN at China ukol sa Code of Conduct sa South China Sea.
Moira Encina