Army commander, pinatalsik ni President Lula kaugnay ng anti-government riots sa Brazil
Sinibak ni President Luiz Inacio Lula da Silva ang commander ng Brazil, dalawang linggo matapos ang nangyaring anti-government riots sa Brasilia, kapitolyo ng Brazil.
Ang pagsibak kay Julio Cesar de Arruda ay ginawa isang araw bago ang unang biyahe ni Lula sa abroad, sa Argentina.
Si Arruda ay noong Disyembre 30 lamang naupo sa puwesto, dalawang araw bago natapos ang termino ng outgoing president na si Jair Bolsonaro, at kinumpirma ng administrasyon ni Lula ngayong Enero.
Noong Enero 8, sinugod ng mga supporters ni Bolsonaro ang presidential palace, Supreme Court at Congress sa Brasilia, kung saan binasag ng mga ito ang mga bintana at sinira ang mga muwebles, mamahaling mga likhang-sining, at nag-iwan ng mga mensahe na nananawagan para sa isang military coup.
Sinabi ni Lula, na may hinala siyang sangkot ang security forces sa riots kung saan higit sa dalawang libong katao ang inaresto.
Sinabi ni Defense Minister Jose Mucio pagkatapos makipagpulong sa pangulo, na si Arruda ay sinibak bilang pinuno ng army, dahil nabawasan na ang antas ng kumpiyansa ng pangulo.
Sinabi ni Mucio, “We thought we needed to stop this in order to get over this episode,” na ang tinutukoy ay ang pag-atake sa Brasilia.
Sinabi ni Mucio makaraang makipagpulong kay Lula at sa mga pinuno ng tatlong sangay ng militar, na walang direktang pagkakasangkot ang sandatahang lakas sa mga kaguluhan.
Nangako naman si Tomas Ribeiro Paiva, ang pinangalanang bagong army chief na pinuno ng southeastern army command, na patuloy na gagarantiyahan ng army ang demokrasya. At sinabi na ang mga resulta ng halalan noong Oktubre kung saan tinalo ni Lula si Bolsonaro ay dapat tanggapin.
Nitong Linggo ay nagtungo si Lula sa Argentina, ang una niyang biyahe sa abroad. Ngunit ang biyahe ay magbibigay din sa kaniya ng pagkakataon upang makipagkita sa tapat na ka-alyado na si President Alberto Fernandez, at maging sa regional counterparts ng summit ng Community of Latin American and Caribbean States (CELAC).
Ang CELAC summit ay naglalayong pagsama-samahin ang higit sa 30 estado mula sa rehiyon. Si Lula, na nagsilbi ng dalawang nakaraang termino bilang pangulo mula 2003 hanggang 2010, ay isa sa mga nagtatag ng grupo.
Sinabi ni Lula sa isang panayam, “Everyone wants to talk to Brazil.” At nangakong muli niyang ititindig ang ugnayan ng Brazil at ng international community matapos na ang apat na taong pamumuno ni Bolsonaro ay naging dahilan upang ma-isolate ang Brazil.
Ang Latin America ay paunang yugto lamang ng “international push” ni Lula, kung saan bibisita si German Chancellor Olaf Scholz sa January 30, pagkatapos ay magtutungo naman si Lula sa Washington para makipagkita kay US President Joe Biden sa February 10.
Ayon sa isang foreign relations specialist sa Pontifical University sa Rio de Janeiro na si Jaoao Daniel Almeda, “Lula’s priority is to reconnect with Latin America, after ties with neighbors in the region were relegated to the backburner. Lula wants to prioritize economic cooperation.”
Si Lula ay dumating sa Buenos Aires nitong Linggo, at ngayong Lunes ay makikipagpulong kay Fernandez. Ang center-left Argentine leader ay bumisita na rin sa Brazil para sa isang bilateral meeting, noong Enero 2, isang araw matapos maluklok sa puwesto ni Lula.
Sinabi ng foreign ministry ng Brazil, na inaasahang kabilang sa mapag-uusapan ay ang trade, science, technology at defense.
Maaaring makipagkita rin ang 77-anyos na lider sa ilang leftist counterparts, bukas, Martes, Buenos Aires, kabilang dito si Miguel Diaz Canel ng Cuba at Nicolas Maduro ng Venezuela, na pawang magsisidalo sa summit.
© Agence France-Presse