Arraignment kay Senadora de Lima sa kasong may kaugnayan sa illegal na droga ipinagpaliban
Ipinagpaliban muna ng Muntinlupa Regional Trial Court ang nakatakdang arraignment kay Senadora Leila de Lima sa isa sa tatlong kasong kinakaharap nito kaugnay ng illegal drug trade sa New Bilibid Prisons.
Inaprubahan ni Judge Amelia Fabros-Corpuz ng Muntinlupa RTC Branch 205 ang mosyon ng Department of Justice na bigyan pa sila ng panahon para sagutin ang mosyon ng kampo ng senadora na bawiin na ang arrest order laban dito.
Inatasan ng Korte ang prosekusyon na magsumite ng rejoinder bago ang August 25 habang itinakda naman ang arraignment sa September 15.
Ito na ang ikalawang pagkakataong na-reset ang arraignment kay de Lima.
Sa ngayon, nakapending pa ang mosyon nito na bawiin ang arrest order at payagan siyang makapagpiyansa sa katwirang hindi pa naaaresto ang kaniyang kapwa akusado na si Jose Adrian Dera alyas Jad de Vera na umano’y inutusan niya para kumuha ng pera sa isa sa mga umano’y drug lord na si Peter Co sa NBP para sa kaniyang Senatorial campaign noong 2016.
Ulat ni: Mean Corvera