Arraignment sa kaso ng viral hit-and-run driver, ipinagpaliban sa September 7
Nagtakda ang korte sa Mandaluyong City ng panibagong petsa ng pagbasa ng sakdal sa viral SUV driver na sumagasa sa mall security guard.
Ayon kay Prosecutor General Benedicto Malcontento, unang itinakda ang arraignment sa akusado na si Jose Antonio Sanvicente noong Agosto 24, Miyerkules.
Pero ito ay ipinagpaliban bunsod ng work suspension dahil sa bagyo.
Dahil dito, ini-reset ang pagbasa ng sakdal sa akusado sa Setyembre 7 sa ganap na 1:30 ng hapon.
Kinasuhan ng piskalya si Sanvicente noong Agosto 5 sa Mandaluyong City Regional Trial Court.
Si Sanvicente ang driver ng Toyota RAV4 na nakita sa viral dashcam video na sumagasa sa mall security guard na si Christian Joseph Floralde na nagtamo ng mga sugat at pinsala sa katawan dahil sa insidente.
Sa resolusyon ng piskalya, sinabi na matapos na sagasaan ng akusado ang biktima ay hindi man lang nito itinigil ang sasakyan o bumaba rito para tingnan ang biktima.
Ang pinakamalala anila ay iniharurot ni Sanvicente ang SUV nang parang walang nangyari at walang pakialam na magugulungan nito ang biktima.
Moira Encina