Artworks na umano’y ninakaw ng Nazis, nasamsam ng US authorities
Nasamsam ng mga awtoridad sa Estados Unidos, ang tatlong artworks na sinasabing ninakaw ng mga Nazi at hinahanap ng mga tagapagmana ng isang Jewish art collector na namatay sa Holocaust.
Kinumpirma nila ang isang ulat na nagsasabing kinuha ng mga imbestigador ng New York ang naturang mga artwork na gawa ng 1900s Austrian expressionist na si Egon Schiele mula sa tatlong US-based museums.
Sa warrants na inisyu , ay sinabi ng New York state supreme court na may “makatwirang dahilan upang paniwalaan” na ang mga artwork ay galing sa nakaw.
Ang mga ito ay sinamsam mula sa Art Institute of Chicago, Carnegie Museums of Pittsburgh, at sa Allen Memorial Art Museum ng Oberlin College sa Ohio.
Ang kinukuwestiyong artworks ay kinabibilangan ng “Russian War Prisoner” (1916), isang watercolor and pencil on paper piece na nagkakahalaga ng $1.25 million, na sinamsam mula sa Art Institute, at “Portrait of a Man” (1917), isang pencil on paper drawing na nagkakahalaga ng $1 million at kinuha naman mula sa Carnegie Museums.
Ang “Girl With Black Hair” (1911), na isang watercolor and pencil on paper work na nagkakahalaga ng $1.5 million, ay sinamsam naman mula sa Oberlin.
Nakasaad sa warrants na ang mga nabanggit na artwork ay maaaring manatili sa kanilang kasalukuyang kinaroroonan sa loob ng 60 araw, pagkatapos ay dadalhin na ang mga ito sa New York.
Ayon sa Oberlin, “We are confident that Oberlin College legally acquired Egon Schiele’s Girl with Black Hair in 1958, and that we lawfully possess it. We are cooperating with the Manhattan District Attorney’s criminal investigation.”
Ang nasabing art pieces ay hinahanap ng mga tagapagmana ni Fritz Grunbaum, isang prominenteng Jewish art collector at cabaret artist na namatay sa Dachau concentration camp sa Germany noong 1941.
Sinabi ng Art Institute of Chicago, “We are confident in our legal acquisition and lawful possession of this work, the piece held there is the subject of a civil case in federal court.”
Nangako naman ang Carnegie Museums of Pittsburgh, na makikipagtulungan nang lubusan sa imbestigasyon mula sa mga kinauukulang awtoridad.
Ayon pa sa ulat, ang imbestigasyon ay kinasasangkutan ng nasa isang dosenang mga gawa ni Schiele na umano’y ninakaw ng Nazis.
Maraming taon nang dinala sa korte ng mga tagapagmana ni Grunbaum ang usapin, sa pagtatangkang mahanap at mabawi ang kaniyang mga pag-aari.
Noong 2016, nilagdaan ng noo’y presidente na si Barack Obama bilang batas ang Holocaust Expropriated Art Recovery Act upang makatulong na mabawi ang sining na inabuso o ninakaw ng mga Nazi, at noong 2018 ang mga tagapagmana ni Grunbaum ay nakatanggap ng paborableng hatol ng korte at nabawi ang dalawang piraso.
Hanggang ngayon ay may mga ganito pa ring usapin. Sa France, ay pinagtibay ng parliyamento ang isang framework law noong Hulyo upang mapadali ang pagsasauli ng ari-arian na ninakaw mula sa mga Hudyo sa panahon ng pananakop ng German Nazi.
Ayon sa mga istatistika na inilabas sa isang internasyonal na kumperensya sa Czech Republic noong 2009, may 100,000 sa tinatayang 650,000 mga ninakaw na artwork ang hindi pa rin naibabalik.