ASEAN kikilos laban sa online human trafficking
Nangako ng mas matapang na hakbang laban sa human trafficking ang mga bansa sa Southeast Asia.
Sa harap ito ng dumaraming mga kriminal na gumagamit sa social media at ibang online platforms para mag-recruit at magsamantala sa mga biktima.
Sa data ng International Organization for Migration (IOM), ang mga bansang Cambodia, Laos at Myanmar ang nangunang “countries of destination” ng mga biktima na naloloko o pinu-pwersang mag-promote ng mga bogus crypto investments.
Sa isinagawang ASEAN Summit, in-adopt ng ASEAN member countries ang deklarasyon na nangangakong palalakasin ang kooperasyon at koordinasyon para mahuli ang mga traffickers at matukoy ang mga biktima.
Sa deklarasyon sinabi ng ASEAN na dumadami ang gumagamit at umaabuso sa social media at iba pang online platforms para i-profile, i-recruit at i-exploit ang mga biktima, gayundin linisin ang kinita mula sa krimen.
Nagkasundo rin ang mga miyembro ng regional bloc na palakasin ang kakayahan ng law enforcement at iba pang ahensya para imbestigahan, mangolekta ng impormasyon at ebidensya ukol sa trafficking, at magpalitan ng impormasyon gayundin magsagawa ng joint operations.
Sa ulat ng IOM, karamihan ng mga biktima sa illegal online operations ay mula sa Asya gaya sa Vietnam, Indonesia at Bangladesh, ngunit may ibang galling sa Brazil at Kenya.
Ang mga biktima ay karaniwang “middle-class graduates” na may limitadong oportunidad sa hanapbuhay sa kanilang bansa.
Sangkot naman ang mga scam centers sa online gambling, cryptocurrency, online money lending at romance application.
Weng dela Fuente