Aso, naka-survive ng anim na araw sa isang disyerto, matapos tumalon mula sa isang eroplano
Nailigtas at naibalik na sa kaniyang amo ang asong si Gaspar na tinaguriang “The Miracle Dog,” matapos tumalon mula sa isang eroplano nang ito ay lumanding, at magpagala-gala sa atacama desert, na tinaguriang “Driest Desert on earth,’ sa loob ng anim na araw.
Si Gaspar ay kasama ng bestfriend ng kaniyang amo nang bumiyahe ito sakay ng eroplano mula Santiago, Chile patungo sa Iquique City sa Northern Chile, dahil ang kaniyang amo ay nauna na roon lulan naman ng isang bus.
Bahagi ng protocol na ang mga alagang hayop na kasama sa biyahe ay dapat na nasa isang pet carrier, at sila ay ilalagak sa cargo hold ng eroplano.
Subalit nang kukunin na si Gaspar ng bestfriend ng kaniyang amo ay sinabi ng mga Airport officials na may aksidenteng nangyari at si Gaspar ay nawawala.
Walang sinumang makapagsabi sa talagang nangyari, subalit may suspetsa ang mga Airline officials na nahulog ang cage ni Gaspar sa kinalalagyan nito nang lumanding ang eroplano, at dahil sa napakalakas ng impact kaya’t bumukas ang pinto ng pet carrier kaya’t aksidenteng nakawala si Gaspar.
Dahil marahil sa takot at pagkabigla, nang bumukas na ang cargo hold ay posibleng tumalon si gaspar at tumakbo patungo sa Atacama Desert na siyang pinakamalapit na lugar sa pinaglandingan ng eroplano.
Nang malaman ng may-ari mula sa kaniyang kaibigan ang nangyari kay Gaspar, ay agad siyang nag-organize ng search operation sa Social media, kung saan tumulong na rin sa paghahanap ang airline at ang isang local army unit.
Makalipas ang anim na araw na paghahanap ay nakita rin nila si Gaspar, na maruming marumi, stressed at malnourished.
Ayon sa beterinaryong nag-asikaso kay Gaspar, unti-unti na niya ngayong nababawi ang nawalang timbang, at bumubuti na rin ang kaniyang kalagayan.
================