AstraZeneca, hindi magbebenta ng EU doses sa ibang mga bansa
PARIS, France (Agence France-Presse) — Iginiit ng CEO ng AstraZeneca, na hindi ibinibenta ng kompanya sa ibang mga bansa, ang mga bakunang inorder ng European Union, matapos ikagalit ng EU leaders ang pagkabalam sa pagdating ng kanilang orders.
Inamin ng British-Swedish drugs firm, na hindi nila mami-meet ang kanilang contractual delivery commitments sa EU, dahil nabawasan ang produksyon ng kanilang European supply chain.
Ito ang nagbunsod upang i-anunsyo ni European Health Commissioner Stella Kyriakides, na plano ng EU na subaybayan ang vaccine shipments na ini-export sa non-member countries — isang senyales na nawawalan na sila ng tiwala. .
Ayon kay Kyriakides, gustong malaman ng European Union kung anong doses ang ginagawa ng Astra Zeneca, saan ginagawa, at para saan o para kanino ito ide-deliver.
Nais namang pakalmahin ni AstraZeneca CEO Pascal Soriot ang sitwasyon, sa pagsasabing batid nilang nagiging emosyunal na ang European governments dahil sa paulit-ulit na problema sa kanilang vaccine rollouts.
Aniya, 24/7 nang nagtatrabaho ang kanilang team para ayusin ang isyu sa produksyon ng bakuna.
Binigyang diin ni Soriot, na hindi nila ipinagbibili sa ibang mga bansa na hindi kasapi ng EU ang mga bakunang inorder nito, para lang kumita.
Ang AstraZeneca na nakipagpartner sa Oxford University para mag-develop ng bakuna, ay nangako na hindi nila ibebenta ang vaccine para kumita sa panahon ng pandemya.
Ayon kay Soriot, nakikipagtulungan ngayon ang kompanya sa Oxford para mag-develop ng isang bakuna na ang tukoy na target ay ang mas nakahahawang South African strain ng Covid-19.
Ang Oxford-AstraZeneca vaccine ay naghihintay pa ng regulatory approval sa EU, at ang desisyon mula sa European Medicines Agency (EMA) ay malalaman sa darating na Biyernes.
Ayon sa kompanya, noong nakalipas na taon ay sumang-ayon ito sa European Commission para mag-supply ng hanggang 400 million doses sa EU.
Sinabi ni Soriot, na sa sandaling bigyan na sila ng approval ng EMA ay agad silang magde-deliver ng hindi bababa sa tatlong milyong doses sa Europe.
Aniya, ang target ay makapagdeliver ng 17 million doses hanggang February.
Ang AstraZeneca vaccine ay mas mura kaysa sa bakunang gawa ng Moderna at Pfizer, at mas madali ring i-imbak dahil hindi nito kailangan ng napakababang temperatura.
Liza Flores