ATC walang natanggap na verified request mula sa 29 indibidwal na ibinilang na terorista para sila ay maalis sa listahan
Walang naghain ng verified request sa Anti- Terrorism Council (ATC) mula sa 29 indibidwal na itinuturing na terorista na sila ay ma-delist o matanggal sa listahan.
Ito ay kahit mahigit isang buwan na ang lumipas mula nang ilathala ng ATC sa pahayagan noong Mayo 13 ang pangalan ng 29.
Ayon kay ATC Spokesperson at Justice Usec.Adrian Sugay, sa kanyang pagkakaalam ay walang natanggap ang ATC na kahilingan para maalis sa listahan ang sinuman sa mga nasabing indibidwal.
Una nang pinangalanan ng ATC ang 19 na Central Committee Members ng CPP-NPA at 10 local terror group individuals bilang terorista.
Kasama sa tinukoy na terorista ng ATC ay si CPP founder Jose Maria Sison at misis nitong si Julieta De Lima Sison, at ang mag-asawang sina Benito Enriquez Tiamzon at Wilma Austria Tiamzon.
Alinsunod sa resolusyon ng ATC, may 15 araw ang mga designated individuals para magsumite ng verified request para sila ay ma-delist mula nang mailathala ang kanilang pangalan.
Samantala, sinabi ni Sugay na may ipinapanukala silang karagdagang probisyon sa internal mechanism ng ATC para sa designation ng mga tao bilang terorista.
Maaari aniyang matalakay ito sa susunod na pagpupulong ng ATC bago matapos ang buwan.
Binigyang-diin ng ATC na ang designation sa mga naturang indibidwal ay kritikal sa paglaban sa terorismo.
Layunin din nito na mabawasan at mapigilan ang pagpopondo, suporta, recruitment, at pag-suplay ng mga sandata sa mga terorista.
Moira Encina