Atio Castillo hazing case naire-raffle na sa Manila RTC branch 20
Naire-raffle na sa Manila Regional trial court Branch 20 ang kaso ng pagkamatay ng UST law student na si Atio Castillo.
Ito ay kasunod ng pag-inhibit sa kaso ni Manila RTC Branch 40 Judge Alfredo Ampuan.
Batay sa case status update na ipinalabas ng mga DOJ prosecutors sa kaso, si Judge Marivic Umali na ng Manila RTC Branch 20 ang hahawak sa paglilitis ng kasong paglabag sa Anti-Hazing law laban sa ilang miyembro ng Aegis Juris Fraternity.
Una nang iniutos ni Judge Ampuan ang pag-aresto laban sa mga akusado na kasalukuyang nakakulong sa NBI detention facility.
Samantala, nasa Manila Metropolitan Trial Court Branch 14 ang kasong perjury at obstruction of justice laban kay John Paul Solano na nasa pre-trial stage na.
Ayon sa mga piskal, itinakda ang susunod na pagdinig sa April 12 para sa second pre-marking of evidence.
Itinakda na rin ng hukuman ang mga petsa ng continuous trial hearing na tatagal hanggang September 2018.
Ulat ni Moira Encina