Atty. Harry Roque at 11 iba pa, isinailalim sa immigration lookout bulletin order
Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na inilagay na sa immigration lookout bulletin order (ILBO) si dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque.
Ayon kay DOJ Spokesperson Mico Clavano, nag-isyu ang kagawaran ng ILBO laban kina Roque at 11 pang indibiduwal.
Batay sa tatlong pahinang kautusan noong August 6 na pirmado ni Justice Secretary Crispin Remulla, ang mga nasabing indibiduwal ay incorporators at corporate officers ng Lucky South 99 at Whirlwind Corporation sa Porac, Pampanga na sinalakay ng mga otoridad dahil sa hinihinalang human trafficking.
Nilinaw naman ni Clavano na ang layunin ng ILBO ay mabantayan ang paglabas at pagpasok sa bansa ng mga indibiduwal at hindi para pigilan ang pagbiyahe ng mga ito.
Paliwanag pa ni Clavano, ang pinakalayunin ng lookout bulletin ay matiyak ang integridad ng imbestigasyon lalo na’t sa mga nakaraan ay may nakakaalis na mga suspek.
Sa isang pahayag, tinawag na harassment ni Roque ang ILBO.
Iginiit din ni Roque na hindi siya aalis ng Pilipinas at sasagutin ang lahat ng mga alegasyon laban sa kaniya.
Idinipensa naman ni Clavano ang lookout order laban kina Roque dahil kasama ang abogado sa mga iniimbestigahan sa illegal POGOs.
Samantala, inisnab muli ni suspended Bamban Mayor Alice Guo ang pagdinig ng DOJ sa reklamong human trafficking laban dito kaugnay sa operasyon ng illegal POGO sa Bamban, Tarlac.
Tanging ang mga abogado lang nito at kampo ng ibang respondents ang humarap.
Sinabi ni Clavano na ibinasura ng DOJ ang mosyon ng kampo ni Guo at ng iba pang respondents na palawigin ang deadline ng pagsusumite ng kontra salaysay maliban sa tatlong respondents na pinayagan hanggang August 16.
Kaugnay nito, idineklarang submitted for resolution ang reklamo laban sa alkalde at ilan pang respondents na bigo na makapaghain ng kontra- salaysay.
Moira Encina- Cruz