Atty. Larry Gadon sinuspinde ng Korte Suprema
Pinatawan ng Korte Suprema si Atty. Lorenzo ‘Larry’ Gadon ng preventive suspension kaugnay sa viral video sa social media kung saan pinagmumura nito ang isang mamamahayag.
Bukod dito, inatasan ng Supreme Court si Gadon na magsumite ng sagot kung bakit hindi ito dapat i-disbar o tanggalan ng lisensya bilang abogado.
Ang hakbang ng SC ay kasunod ng panawagan ng publiko na patawan ng disiplina si Gadon bunsod ng “vulgar rant” nito dahil ito ay hindi lang insulto sa mamamahayag na si Raissa Robles kundi sa buo ring legal profession.
Ayon sa Korte Suprema, si Gadon ay nahaharap sa iba pang mga disbarment complaints dahil sa mga parehong kontrobersyal na aksyon at pag-uugali nito.
Sa resolusyon ng SC ngayong Enero 4,2022, itrinato motu proprio ng mga mahistrado na disbarment complaint ang isyu.
Binigyan ng 10 araw ng SC si Gadon para maghain ng komento.
Una na ring sinuspinde ng Korte Suprema si Gadon sa loob ng tatlong buwan kaugnay sa isa pang disbarment case laban dito noong 2019.
Inatasan din ng SC ang Office of the Bar Confidant na isumite ang updated list ng pending administrative cases laban kay Gadon.
Hinihingan din ng SC ang Integrated Bar of the Philippines ng status report sa admin cases laban kay Gadon na nakabinbin sa IBP.
Moira Encina