Australia, pananatilihin ang pagpapatupad ng quarantine kahit nailunsad na ang pagbabakuna
SYDNEY, Australia (Agence France-Presse) – Inihayag ng Australia na pananatilihin pa rin nila ang dalawang linggong mandatory quarantine para sa lahat ng overseas visitors, kahit pa nailunsad na ang pagbabakuna sa kanilang bansa at sa buong mundo.
Sinabi ni chief medical officer Paul Kelly, na wala pang sapat na ebidensya na kaya ng bakuna na limitahan ang transmission, para payagan nang luwagan ang border controls.
Karamihan sa hindi mamamayan ng Australia ay binawalang pumasok sa bansa, may mahigpit ding limitasyon sa bilang ng mga residenteng pwedeng bumalik at lahat ng papayagang makauwi ay kailangang sumailalim sa self-paid hotel quarantine.
May ilang libong short-term visitors lang ang nakakapasok ngayon sa Australia bawat buwan, mas mababa kumpara sa higit isang milyon bago nagsimula ang pandemya.
Ayon kay Kelly, bagamat lumitaw sa paunang data na nakatutulong ang AstraZeneca vaccine upang mabawasan ang transmission ng virus, hindi pa pinal ang naturang ebidensya para luwagan na ng Australia ang kaniyang seguridad.
Aniya, kahit inilunsad na ang pagbabakua ay paiiralin pa rin ang dalawang linggong quarantine sa mga hotel dahil naging mabisa ang hakbang na ito hanggang ngayon.
Samantala, inanunsyo ni Prime Minister Scott Morrison na bahagyang luluwagan ng gobyerno ang limitasyon sa overseas arrivals, at titingnan kung maaari pang palawakin ang kapasidad sa kasalukuyang government-run Outback quarantine camp, at pagtatayo pa ng dagdag na mga pasilidad.
Ang pag-asang muli nang bubuksan ang borders ng Australia ay nasira, dahil sa paglitaw ng bagong strains ng virus na nag-udyok rin sa maraming mga bansa na magpatupad o lalo pang palakasin ang kani-kanilang quarantine systems.
Halos wala nang bagong kaso ng community transmission sa Australia, at inaasahang sisimulan na rin ngayong buwan ang mga pagbabakuna.
Liza Flores