Australian missionary Patricia Fox muling nanawagan sa DOJ na ibasura at baligtarin ang Deportation order ng Bureau of Immigration laban sa kanya
Naghain sa DOJ ang Australian missionary na si Patricia Fox ng sagot sa komento ng Bureau of Immigration sa petition for review nito laban sa deportation order sa kanya.
Sa pitong pahinang reply ni Fox, muling hiniling nito sa DOJ na ibasura at baligtarin ang kautusan ng BI na ipatapon siya pabalik ng Australia dahil sa paglahok sa mga political rallies sa Pilipinas.
Iginiit ng kampo ni Fox na walang matibay na ebidensya laban sa madre dahil ibinatay lamang ng BI sa hearsay information at anila’y ‘sloppy intelligence report’ sa pamamagitan ng ‘social media stalking’ ang desisyon nito na ipadeport ang dayuhan.
Nabigo rin anila ang nasabing intelligence report ng isang Agent Gonzales ng BI na tukuyin ang tamang konteksto ng mga aktibidad na nilahukan ni Fox.
Nanindigan ang mga abogado ni Fox na hindi political o partisan activities ang pagsali nito sa mga rally na para sa mga mahihirap, magsasaka at indigenous people kundi parte ng kanyang missionary work.
Saklaw din anila ang dayuhan sa right to free expression at peaceful assembly na nakasaad sa Saligang Batas.
Ulat ni Moira Encina